"(*$*(@&^$&*^#@&$&!!! (*^$^%#&@(@&$^#^!!!" ---tatay ko.
Kung nako-convert lang sa cash ang bawat mura, kasing yaman na siguro namin si Bill Gates.
Sa araw-araw na ginawa ng dyos, walang araw na hindi lalabasan ang bibig ng tatay ko ng malutong at malaway-laway pang mura. Araw-araw yun. Walang paltos. Kahit maliit na bagay lang, pag napagtripan niya, paniguradong sandamukal na mura ang matatanggap ng kung sino mang maswerteng nilalang na kaharap niya.
Kahapon(dec.21) nag liligpit ang nanay ko ng mga kalat sa labas ng jangshap namen, pinapaganda niya para kaakit-akit naman daw tingnan sa araw ng kapaskuhan. Nagtatapon sya ng mga bagay na hindi na kailangan. Napag diskitahan ng maiinit na mata ng nanay ko yung painting na nasa kwadro. Galing yun sa opisina ng tita ko pero binigay na samin. Ginamit namin yun dati, kasi maganda talaga sya tsaka elegante, bagay sa jangshap namin, kaso lang, dahil may dugong intsik ang nanay ko, umiral nanaman ang mga pamahiin niya at tinanggal ang painting dahil malas daw yun, tubig kasi. Kanina, muli niyang nasilayan ang painting, at tulad ng isang kaaway, kumulo nanaman ang dugo ng nanay ko sa painting kaya inutos niya sakin na ipag benta ito. Hindi nakalagpas sa matatalas na tenga ng tatay ko ang mga katagang yun. Agad syang nag harumentado at nag paulan ng mura, inisip ko na lang na kayaman ang pinapaulan niya, tanggap lang ako ng tanggap, pero ang nanay ko, idol yata si andress bonifacio, sumagot pa. Nakipag batuhan sya ng mga matatalas na mura at napuno ang jangshap namen ng kayamanan. Sa huli, naibenta rin ang painting sa halagang 500, yung kapitbahay yata namin yung nakabili.
Matanda na ang tatay ko. Marami pang sakit. Nitong mga nakaraang araw, madalas at mabilis mag init ang ulo niya, ganun yata talaga pag tumatanda na. At eto namang nanay ko, hindi nag papahuli, kahit mas bata sya ng ilang taon sa tatay ko, hindi niya na lang ito iniintindi, pinapatulan pa niya kaya sa tuwing nag papangabot ang mga murahan nila ay nag mimistulang libingan ng yamashita treasure ang jangshap namin.
Nung mga panahong nasa 50+ palang ang edad ng tatay ko, sinabi niya samin na hanggang 60 years old na lang daw sya, pero nung na confine sya isang araw bago mag 60th birthday niya, tumawad pa sya kay lord, sabi niya plus ten pa daw. Mukhang pinagbigyan naman siya ni Daddy Jesus dahil hanggang ngayon ay kaya pa niyang mag pabagyo ng mura.
Minsan naaasar na rin ako sa tatay ko, minsan kasi wala sa lugar yung mga bagay na nag papainit sa ulo niya eh. Minsan nga sinasabi ko sana kunin na sya ni Lord, pero maganda naman yung purpose ko, para hindi na siya mahirapan sa sakit niya-- Emphysema, hypertension, bato sa apdo, bato sa kidney, asthma. Isa pa, matanda na rin naman siya, naenjoy na niya ang bawat phase ng buhay niya. Ang problema lang, ngayon sya sinisingil ng mga bisyo niya, ngayon sya nag sisisi kung bakit nag pakalulong sya sa alak at sa sigarilyo noon, at pati sa babae-- matinik pa rin sa chikas itong tatay ko kahit hinihingal na pagkatapos lang maligo, marami yang ka textmate, pero iba na ngayon, dahil sa biyayang unlimitted ng sun, palagi na syang may kausap sa selpown niya.
Naisip ko lang, parang wala ng papel dito sa jangshap namen ang tatay ko. Minsan, kahit wala sya, parang hindi ko naman nararamdaman na wala pala sya. Ewan ko. Close naman kame, peyborit nga ako nun eh, hindi lang peyborits paliguan ng mura kundi peyborits din akong utusan. Sa kanya ko unang natutunan kung pano kumuha ng blood pressure, sa kanya ko natutunan na hindi lang pala damit ang ibig sabihin ng jumper kundi pagnanakaw din pala ng kuryente, sa kanya ko natutunan ang meaning ng GSIS, SSS, DOJ at kung ano ano pang ahensya, sa kanya ko natutunan kung bakit nagiging sweet lover ang mga driver, siya ang unang nag sabi sakin na si Rod Strunk ang utak sa pagkamatay ni Nida Blanca bago pa ito ibalita, sa kanya ko nalaman na nag bigti si marky cielo, Siya lang ang tanging tao na nag sabi sakin na kung nakatapos lang siya ng pag aaral, mag do-doctor of law sya--kahit di ko alam kung may ganun ba talaga.
Alam niyo, mga mambabasa, kahit ganito ang tatay ko, kahit isip bata, kahit ang dami niyang side comments kapag nanonood kame ng tv at sinasabi niyang niloloko lang kami nito, kahit mas marami pa ang textmates niya sa mga anak niya sa loob at labas, kahit panay ang utos niya na para akong robot na kayang mag multi tasking, kahit mapilit siyang mag paturo mag friendster, kahit madamot siya sa pera, kahit nagpapaulan sya ng mura, malaki ang pasasalamat ko sa kanya dahil nandito ako, bino-blog ko siya dahil hindi niya ako basta pinahid lang sa kumot :D
No comments:
Post a Comment